Dumating na sa Maynila si Israeli Foreign Minister Eliyahu “Eli” Cohen nitong Linggo ng gabi, Hunyo 4, para sa kaniyang 2-day visit na naglalayon umanong palakasin ang magandang relasyon sa pagitan ng Israel at Pilipinas.

Ayon sa Israeli Embassy in the Philippines, layon din ng pagbisita ni Cohen na pahusayin ang kasalukuyang pakikipagtulungan ng dalawang bansa pagdating sa larangan ng agrikultura, tubig, inobasyon at teknolohiya, at kooperasyong pang-ekonomiya.

Sa kaniyang pagbisita sa bansa, inaasahan umanong maganap ang courtesy call ni Cohen kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang bilateral meetings kasama si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, at ang pagpapalakas ng trade at economic cooperation kasama si National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General Arsenio Molina Balisacan.

Bukod dito, ayon sa Embahada, nakatakda ring lumagda ang Israeli Foreign Minister sa mga magiging kasunduhan, at lumahok sa mga pagpupulong kasama ang publiko at pribadong sektor.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kasama naman umano ni FM Cohen ang isang Israeli business delegation na magkokonekta sa Filipino business companies upang mapataas pa raw ang kooperasyong pangkalakalan at pang-ekonomiya ng Pilipinas at Israel.

“Israel and the Philippines are celebrating their 65th anniversary of friendly relations this year. The visit of Israel’s Foreign Minister to the Philippines reassures that Israel is a friend and an ally of the Philippines, and we see the relations flourishing further in the years to come,” saad ni Israeli Ambassador Ilan Fluss.

Ayon pa sa Embahada, ang pagbisita ng Israeli Foreign Minister sa Pilipinas ay isang malakas na mensaheng pampulitika at pang-ekonomiya, na siya umanong kapalit ng naging pagbisita ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Israel noong 2018. Naging daan umano ang nasabing pagbisita ni Duterte sa pagbubukas ng mga tanggapan ng Israeli Defense and Economic Attaché sa Maynila, paglagda ng bilateral agreements sa mga OFW, at pagpapalawak ng defense cooperation.