Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes, Hunyo 5, na pansamantalang isasara ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila sa Hunyo 12 upang bigyang-daan umano ang mga aktibidad para sa paggunita ng ika-125 Anibersaryo ng deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ng MMDA na ipatutupad ang road closure sa Roxas Blvd. mula sa TM Kalaw hanggang P. Burgos mula alas-5 ng umaga hanggang 10 ng umaga para sa flag raising ceremony.
Samantala, pansamantala umanong isasara ang Katigbak Parkway, South Rd, at Independence Rd mula 12:01 ng hating gabi hanggang 10:00 ng gabi para bigyang-daan ang isang civic military parade.
“[T]he MMDA will deploy traffic enforcers to assist in traffic management; and deploy tow trucks, ambulances, and vacuum trucks,” anang MMDA.
“Concrete and plastic barriers as well as traffic cones will be placed in key areas,” dagdag nito.
Inabisuhan naman ng MMDA ang mga apektadong truck na papunta sa North Harbor na mag-reroute mula SLEX diretso sa Osmeña Highway, saka kumanan sa Quirino Avenue, diretso sa Nagtahan St., papunta sa Lacson Avenue, kaliwa sa Yuseco St., at diretso sa Capulong St., saka kumanan o kumaliwa sa R-10 road patungo sa destinasyon.
Pinapayuhan naman umano ang mga truck na magmumula sa Parañaque Area na kumanan sa Quirino Avenue hanggang Nagtahan pagkatapos Lacson Ave. Maaari naman daw gamitin ng mga truck na papuntang timog ang parehong ruta.