Niyanig ng magnitude 4.0 na lindol ang probinsya ng Surigao del Sur nitong Linggo ng umaga, Hunyo 4, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 11:27 ng umaga.
Namataan ang epicenter nito 14 kilometro ang layo sa hilagang kanluran ng San Agustin, Surigao del Sur, na may lalim na 17 kilometro.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.