Isang taon pa lamang ang nakakaraan mula nang magtagumpay siya sa eleksyon noong 2022, ngunit may isang tiyak na sagot si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa legasiya na nais niyang iwan: ang maalala bilang taong tumulong sa mga ordinaryong Pilipino.

Sinabi ito ni Marcos matapos niyang buksan ang Malacañang Heritage Tours, na nagpapakita sa buhay at legasiya ng mga namuno sa bansa.

Sa kaniyang vlog, tinanong ang Pangulo tungkol sa kaniyang legasiya na gustong maalala sa kaniya ng mga Pilipino.

"Kapag wala na ako, sana maalala ako na siya'y talagang tumulong sa pangkaraniwan na taong Pilipino," ani Marcos.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunpaman, inamin ng Pangulo na hindi niya talaga ito iniisip dahil marami raw siyang kailangang gawin.

"Hindi natin masyadong iniisip 'yang legasiya na 'yan. Sa dami ng kailangan nating gawin, trabaho lang muna," aniya.

"Pagka maganda naman ang ating magagawa, 'yan ang magiging legasiya natin," dagdag niya.

Ayon kay Marcos, hindi siya nagtatrabaho para lamang maalala siya ng mga tao pagkatapos ng kaniyang termino.

"Hindi naman dapat kailangang isipin, ginagawa ito para maalala ako-- hindi," aniya.

"Ginagawa natin lahat para makabuti at makatulong sa taumbayan. 'Yan ang ating mga legasiya.”

Sa ilalim ng Malacañang Heritage Tours, nag-aalok ang Bahay Ugnayan Museum at Teus Mansion ng libreng guided tours mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon para sa mga bisitang nagpareserba.

Itinatampok sa Bahay Ugnayan Museum ang naging daan ni Marcos sa pagkapangulo, katulad ng kaniyang naging pangangampanya sa pagkapangulo.

Ang Teus Mansion, sa kabilang banda, ay nagpapakita ng mga memorabilia ng mga punong ehekutibo ng bansa. Naka-display sa loob ng museo ang mga kasuotan ng pangulo, footwear, watawat, at nililok na mga bust, bilang pagpupugay umano sa mga naging lider ng bansa. Naglalaan din ito ng isang sulok para sa mga larawan ng First Ladies.

Bago ito, naglabas si Marcos ng Executive Order (EO) No. 26 noong nakaraang buwan, na lumilikha ng isang advisory board at management center upang pamahalaan ang Malacañang Heritage Mansions.

Sa kaniyang EO, binanggit ng Pangulo ang pangangailangang panatilihin, pangalagaan, at gamitin ang mga ari-arian bilang pagkilala sa kanilang potensyal na isulong ang kasaysayan at kultura ng bansa.

Argyll Cyrus Geducos