Binigyan na ng cash assistance ang pamilya ng broadcaster na si Cresenciano Bunduquin na pinatay ng riding-in-tandem sa Oriental Mindoro kamakailan, ayon sa pahayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) nitong Linggo.
Nasa ₱40,000 ang inilabas ng Office of the President habang ₱15,000 naman ang ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng mamamahayag, ayon kay PTFoMS chief Paul Gutierrez.
Umabot na sa ₱50,000 na pabuya ang inilaan ng pamahalaan laban sa suspek.
Si Bunduquin ay ay broadcaster ng DWXR 101.7 Kalahi FM MUX Online Radio sa nasabing lalawigan.
Matatandaang magbubukas na sana ng tindahan si Bunduquin sa C5 Road, Barangay Sta. Isabel, Calapan City dakong 4:20 ng madaling araw nang pagbabarilin ng dalawang suspek.
Matapos ang krimen, kaagad na tumakas ang dalawang suspek.
Gayunman, hinabol sila ng sasakyan ng anak ng biktima at nabangga nito ang motorsiklong sinasakyan ng dalawa na ikinasawi ng isa sa suspek dahil sa matinding pinsala sa ulo, ayon sa pulisya.