Bumaba pa sa 18.6% na lamang ang nationwide COVID-19 positivity rate nitong Sabado, Hunyo 3.

Ito ay ayon sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David ng independent OCTA Research Group sa kanyang Twitter account nitong Sabado ng gabi.

Ayon kay David, bumulusok pa sa 18.6% ang positivity rate ng COVID-19 sa bansa mula sa dating 19.4% na naitala noong Hunyo 2.

Dagdag pa ni David, nakapagtala rin ang bansa ng 1,337 bagong COVID-19 cases sa buong bansa, kabilang ang 389 na naitala sa National Capital Region (NCR).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dahil sa mga bagong kaso, ang total COVID-19 cases sa Pilipinas ay nasa 4,147,129 na. Sa naturang bilang, 14,398 pa ang nananatiling aktibong kaso.

Dagdag pa ni David, ang iba pang rehiyon at lalawigan na nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng sakit ay ang Cavite (88), Bulacan (76), Laguna (66), Rizal (58), Iloilo (52), Pampanga (45), Isabela (42), Cagayan (41), Batangas (34), Bataan (32), Pangasinan (28), Quezon (26), Nueva Ecija (25), at Cebu (20).

Wala naman aniyang naitalang pasyente na namatay sa sakit, kaya’t hanggang Hunyo 3, ay nananatili pa rin sa 66,476 ang total COVID-19 deaths sa bansa.

Mayroon rin namang 1,827 pasyente na iniulat na gumaling na dahil sa COVID-19.

Sa ngayon ang total COVID-19 recoveries sa bansa ay nasa 4,066,255 na.