Nakatawag ng pansin sa mga netizen ang isang dambuhalang pusa na pagmamay-ari ng furbaby parent na si "Zaide Javile" mula sa Bacolod City, Negros Occidental, na maihahalintulad daw sa isang Siberian husky, isang dog breed.

Sanay kasi ang mga tao sa mga pusang hindi lalagpas sa laki ng isang aso, subalit kakaiba nga ang laki ni "Indigo," isang Maine Coon European Linage, dalawang taong gulang, at may bigat na 7 kilos.

Mangingimi ang sinumang estrangherong pumasok sa bakuran ng kanilang bahay dahil sa unang tingin, aakalain itong isang puting tigre.

Kuwento ni Javile, nakuha niya si Indigo sa isang Russian breeder, at take note, hindi pa raw tapos si Indigo sa kaniyang paglaki!

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

"Hanggang ikalimang taon niya pa po maabot ang kaniyang optimum growth," anang Javile sa panayam sa kaniya.

May sariling area o space si Indigo dahil nga sa laki nito, upang nang sa gayon ay makapaglaro-laro.

Sa paglalarawan ni Javile, masasabi niyang kahit "nakakatakot" ang hitsura nito dahil sa laki, malambing naman ito sa mga tao at kapwa hayop. Hindi ito nananakit ng mga bata at nakikihalubilo maging sa mga aso.

Marunong din aniya itong uminom ng tubig, hindi kagaya ng ilang tipikal na pusa na takot na takot madampian. Matalino rin aniya si Indigo at puwedeng maturuan ng tricks.

Payo naman ni Javile sa mga magtatangkang mag-alaga rin ng kagaya ng breed ni Indigo, kinakailangang magbasa muna patungkol dito lalo na sa kanilang karakter at usaping kalusugan.

Maaari din masilayan ang kaniyang mga alagang pusa sa kanilang page na @sinbadtheseafurrerand at @skipperTomcattery.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!