Dinakip ng anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) ang isang police station commander at anim na tauhan nito kaugnay sa reklamong pangingikil umano sa isang nahuling drug suspect sa Angeles City, Pampanga kamakailan.

Kinilala ang mga inaresto na sina Maj. Marvin Aquino, M/Sgt. Romulo Meligrito, S/Sgts. Nikko Dave Marquez and Mark Steven Sison, at Corporals Richard Gozum, Diosdado Villamor Jr. at Jaypee Mangili.

Sa pahayag ni PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) chief, Brig. Gen. Warren de Leon, ang pitong pulis ay inaresto ng mga tauhan nito sa loob ng presinto sa nasabing lugar nitong Biyernes.

Isa ring civilian asset--si Esmael Arviola ang dinampot ng pulisya dahil sa pag-iingat ng caliber .38 revolver na may apat na bala.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Katwiran ni de Leon, isinagawa ang operasyon bilang tugon sa reklamo ng isang babaeng anak ng naarestong drug suspect na nagsasabing hinihingan umano ito ng P30,000 upang maibaba sa kasong illegal gambling ang kinakaharap na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Aniya, inaresto ng mga pulis ang nasabing drug suspect sa anti-drug operation sa Angeles City nitong Mayo 28.

Bukod dito, aniya, nahaharap din sa illegal detention ang pitong pulis matapos ikulong ang 13 katao kahit hindi sinampahan ng kaukulang kaso.

“During the conduct of inspection at the PUPC (person under police custody) detention cell, it was found out that 13 persons were arbitrarily detained without any single complaint filed against them up to the time of operation. Further, no entry at the official police blotter and in the CIRAS (crime information reporting and analysis system) of the station in relation to the arrest and other circumstances causing the (continuous) detention of the victims," dagdag ani de Leon.

Kaagad ding sinibak sa puwesto ang pitong pulis na nakapiit na sa IMEG custodial facility sa Camp Crame, Quezon City.

Philippine News Agency