Natanggap na ng pamahalaan ng Pilipinas ang halos 400,000 doses ng Pfizer bivalent COVID-19 vaccines na donasyon mula sa Lithuanian government. Ito ang kauna-unahang bivalent vaccines na dumating sa bansa.

Nabatid na ang naturang mga bakuna ay dumating nitong Sabado ng gabi, Hunyo 3, sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Basahin: Unang bugso ng bivalent Covid-19 vaccines, darating sa bansa ngayong Sabado – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Personal itong tinanggap ng mga opisyal ng pamahalaan, sa pangunguna ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Leonita Gorgolon, sa isang seremonya, na dinaluhan rin ng Honorary Consul ng Republic of Lithuania, na si Julia Netta Vildzius Peña at ng Deputy Head ng Mission of the European Union to the Philippines, na si Dr. Ana-Isabel Sanchez-Ruiz.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa DOH, ang bivalent vaccines ay nagbibigay ng proteksiyon laban sa orihinal na COVID-19 strain na SARS-CoV-2, at sa Omicron subvariants na BA.4 at BA.5.

Matatandaang Agosto 2022 pa nang simulan ng DOH na makipag-negosasyon upang makakuha ng suplay ng bivalent vaccines.

Nitong Enero 2023 naman nang mag-alok ang Lithuania na magdo-donate ng mga naturang bakuna.

Laking pasasalamat naman ng pamahalaan sa Lithuanian government dahil sa naturang donasyon.

“It is with great pleasure that we have received such generous donations from the Lithuanian Government and our sincerest gratitude to our partner agencies for being one with the DOH in seeing that within our reach is a bountiful future, one that is most achievable starting with ensuring that we have sufficient protection against the COVID-19 virus," ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Tiniyak rin naman ng DOH na maliban sa mga naturang donasyon, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH sa COVAX Facility upang makakuha pa ng karagdagang doses ng bivalent vaccines para sa publiko.

Sa ilalim ng guidelines ng DOH, ang mga healthcare workers at senior citizens ang siyang may priority access sa bivalent vaccines.

Samantala, ayon naman kay Gorgolon, “This (bivalent vaccine) will give us the complete immunization especially for our COVID-19. Naramdaman natin talaga itong effect nitong COVID vaccine so kailangan natin silang i-encourage.”

Aniya pa, wala pang natutukoy na side effects ang naturang bakuna.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Peña na ang pagdating ng mga bakuna sa Pilipinas ay nagpapakita sa malakas na diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at ng Lithuania.

“I think the Philippine-Lithuanian relationship is very good and we are so happy to be able to help to be the first bivalent vaccine to come to the Philippines. We are very proud of that,” aniya pa.