Hindi madali ang pagtuturo ng mga aralin at kasanayan sa mga mag-aaral na nasa lower grade kagaya na lamang ng kindergarten; bukod kasi na kailangang maging mahusay na kaagad ang pundasyon, kailangang may extra effort ang mga guro upang mapukaw ang atensyon nila. Dito na papasok ang epektibong classroom routines at classroom management.
Kaya naman, nagdulot ng kasiyahan sa mga netizen ang paraan ng pagtuturo ng gurong si Ma'am Maria Carla Meliza M. Villareal (Teacher Carla), 36, mula sa Malabon City, dahil sa kaniyang mga uri ng palakpak na itinuturo sa mga mag-aaral sa kindergarten ng Malabon Elementary School.
Viral na ang kaniyang 2-minute video na nagpapakita ng iba't ibang palakpak sa kaniyang Facebook post noong Mayo 30.
"Matuto tayong pumalakpak sa tagumpay ng iba. đđđ Tanong: Anong palakpak ang paborito nila?" ani Teacher Carla sa caption.
Bagama't siya lamang ang makikita sa video at ilang mga nakatalikod na mag-aaral, mahihinuhang enjoy na enjoy naman ang pupils niya sa kaniyang itinuturo.
Ilan sa mga ito ay "Jollibee clap," McDo clap," "Ang galing clap," "Pak! Bet! clap," "Fireworks clap," "Kris Aquino clap," "Angel clap," "Love clap," "Ang galing galing clap," "Rainblow clap," "Coke clap," "Aling Dionesia clap," "Frog clap," "Mosquito clap," at marami pang iba.
Noong Mayo 31, muling naglabas ng video si Teacher Carla, at sa pagkakataong ito ay nakatayo na silang lahat.
"Thank you po sa mga naka-appreciate sa unang video namin at sa nag-share ng iba pang klase ng clap, ayan na po nakatayo na po kami. Pagbigyan natin sila," anang guro sa caption ng kaniyang Facebook post.
"Alam naman po nating sobrang init ng panahon ngayon kaya hangga't kaya po ay less movements kami sa classroom. Ang importante po yung matututunan nila 'di ba?"
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Carla, ang iba't ibang klase ng palakpak ay ginagawa nila bilang "reward system" lalo na sa tuwing sila ay nakikiisa sa recitation o gawaing pagbasa.
"Ito pong iba't ibang clap namin na tinuturo ko sa mga bata ay nagsisilbing reward nila everytime nag participate sila sa klase like sa recitation or reading activities namin."
"Kung sino po yung sumagot, pinapapili ko po siya anong clap ang gusto n'ya then papalakpakan siya ng classmates n'ya. Sa pamamagitan po nito ay mas namomotivate ang bata at lalo sila nag-eengage sa aming klase."
Siyam na taon na umanong nagtuturo sa kindergarten si Teacher Carla at 12 taon na siya sa pampublikong paaralan.
Tumabo na sa million views ang kaniyang videos, at hangad ng mga netizen na magpatuloy lamang si Teacher Carla sa kaniyang ginagawa sa mga mag-aaral, at nawa ay pamarisan din siya ng iba.
Ikaw, ganito rin ba ang ginagawa noon ng inyong guro sa elementarya?
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o âdi kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!