Kahit na nag-resign na sa TAPE, Incorporated at hindi na mapapanood sa "bagong" Eat Bulaga, nais pa ring makatrabaho ni GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes sina dating Senate President Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon (TVJ) gayundin ang mga sumama sa kanilang hosts na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Allan K, Ryzza Mae Dizon, Ryan Agoncillo, at Maine Mendoza.
Ayon sa panayam sa ehekutibo ng Kapuso Network, hindi raw nangangahulugang nagkaproblema sila sa TAPE ay ganoon na rin sa GMA.
Ang pag-alis aniya ng hosts ay hindi nangangahulugang pagtalikod na rin nila sa network. Halimbawa, si Vic at Jose ay may sitcom pang "Open 24/7" kasama ang aktres at dating Dabarkads host na si Maja Salvador. Isa pa, kasama pa si Jose sa "Battle of the Judges."
Bukas daw ang GMA kung sakaling nais daw magtrabaho sa kanila ng iba pang nabanggit na hosts.
"Kung may say control lang tayo, may say lang tayo sa mangyayari, siyempre hindi natin sila papakawalan. 'Yun ang term nila. Pipigilan natin sila. Susubukan natin gawin ang lahat para mag-stay sila sa atin kaya lang sa totoo hands off ang GMA diyan kasi it was an internal issue between TVJ and TAPE, Inc.," pahayag pa ng GMA executive sa panayam.
"So, wala naman talaga kaming alam about those issues. Nalaman lang namin ang issues kapag lumalabas sa social media, sa newspaper o sa interviews so it wasn't right for us na makialam."
Mula simula ay wala raw kinampihan ang GMA sa dalawang panig, bagama't may existing contract ang TAPE, Inc. sa kanila dahil sa "blocktime agreement."
"From the start, wala talagang kinampihan ang GMA dito. Katulad nga ng sinabi ko it was their internal issues, it was a corporate issue."
Ipinaliwanag din ni Annette ang block time agreement ng TAPE at GMA hinggil sa pag-ere ng Eat Bulaga. Matatapos sa 2024 ang kontrata nila.
"We have to honor the contract as long as there is no breach of its provisions. Kasi you know iba ang contract, eh it has legal consequences," dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: GMA, kanino pumapanig sa TVJ-TAPE saga? Annette Gozon-Valdes, nagsalita