Calamba City, Laguna -- Magkahiwalay na nakuha ang bangkay ng dalawang menor de edad na umano'y biktima ng pagkalunod sa isinagawang search and retrieval operations ng Local Disaster Risk Reduction Management Division (LDRRMD) sa Barangay Lamesa, sa lungsod na ito, iniulat nitong Linggo.
Nakatanggap ng ulat ang pulisya nitong Hunyo 4 alas-12:40 ng madaling araw sa Public Order and Safety Office (POSO) Command Base kasunod ng impormasyon mula sa kaibigan ng mga biktima.
Ayon sa saksi noong Hunyo 3, bandang alas-4:30 ng hapon, pumunta sila sa Ibayo River sa Barangay Lamesa para maglangoy.
Habang nasa kalagitnaan ng paglangoy, lumubog umano ang dalawa at napuna niya na hindi na lumulutang kaya't agad na ipinarating nito sa Barangay Public Safety Office ng Lamesa at agad na nakipag-ugnayan sa LDRRMD na humingi ng tulong sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Calamba City.
Nagsagawa ng search and retrieval operations ang rescue team at alas-9:15 ng gabi natagpuan ang isa sa mga biktima at bandang alas-12:30 ng madaling araw nitong Linggo ang isa pang biktima ang na-retrieve na kapwa wala nang buhay, ayon sa iniulat ng BFP-Calamba City.
Isasailalim sa autopsy examination ang bangkay ng mga biktima para matukoy ang sanhi ng pagkamatay at kung may foul play, ayon sa Calamba City police.