Naantig ang customer na si Mylene Consignado, 42, mula sa Ibaan, Batangas, matapos niyang makadaupang-palad ang isang PWD na nagtatrabaho bilang crew sa isang fast food restaurant sa Rosario, Batangas.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Consignado na mag-isa lamang siyang kumakain sa fast food chain noong araw na makita niya ang crew na si Maria Celeste.

“Busy siya bussing out tables, while waiting ako sa ma-buss out din ‘yung table na nakuha ko. Noong lumapit na siya, that’s when napansin ko ang id niya and asked her permission kung pwede ko basahin,” kuwento ni Consignado sa Balita.

“Teary eyed na’ko that time and pagbalik niya to wipe the table, napansin niya na naiiyak ako. Then kumuha siya ng pen and paper and asked me… our convo is thru writing.”

Trending

'Grabe lakas mo!' Netizen na nakatanggap ng 'Hakot Challenge Award,' hinangaan

Ayon sa kanilang pag-uusap sa pamamagitan ng sulatan, nasa 29-anyos si Celeste at may diperensya umano siya sa pandinig. 

Kinuwento rin ni Celeste sa sulat na married siya at may dalawang anak na babae.

“And according to her, may baby boy sya na nawala na, maybe just recently lang po,” ani Consignado.

Ibinahagi naman ni Consignado na mayroon siyang anak na na-diagnose ng autism spectrum disorder (ASD).

Ayon kay Consignado, masaya siyang nakita si Celeste na pinatutunayang hindi hadlang ang kaniyang kondisyon para ipakitang kaya rin niyang makapaghanapbuhay para sa kaniyang pamilya.

“Hoping to see more of them giving/sharing the best of themselves… and to our community, let us bear with them ,” saad naman ni Consignado sa kaniyang Facebook post na umani na ng mahigit 5,400 shares.