Nagsalita na si GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes hinggil sa kontrobersyal na alitan sa pagitan ng TVJ at iba pang Eat Bulaga Dabarkads hosts na naging dahilan upang tuluyan na silang mag-alsa balutan sa longest running noontime show noong Mayo 31, sa ilalim ng produksyon ng TAPE, Incorporated.

Ayon kay Gozon-Valdez, wala silang kinikilingan sa dalawang panig. Ito raw ay "beyond control" na nila.

"Kung may say control lang tayo, may say lang tayo sa mangyayari, siyempre hindi natin sila papakawalan. 'Yun ang term nila. Pipigilan natin sila. Susubukan natin gawin ang lahat para mag-stay sila sa atin kaya lang sa totoo hands off ang GMA diyan kasi it was an internal issue between TVJ and TAPE, Inc.," pahayag ng GMA executive sa isang panayam.

"So, wala naman talaga kaming alam about those issues. Nalaman lang namin ang issues kapag lumalabas sa social media, sa newspaper o sa interviews so it wasn't right for us na makialam."

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Mula simula ay wala raw kinampihan ang GMA sa dalawang panig, bagama't may existing contract ang TAPE, Inc. sa kanila dahil sa "blocktime agreement."

"From the start, wala talagang kinampihan ang GMA dito. Katulad nga ng sinabi ko it was their internal issues, it was a corporate issue."

"Para siguro mas maintindihan ng mga tao ang contract kasi ng GMA is with TAPE. Wala kaming contract with TVJ as talents of or as kasama ng TAPE. Ang contract na ito ay isang blocktime agreement."

"Ang ibig sabihin, umuupa sila ng time slot sa atin sa GMA. Binabayaran nila tayo ng upa at para sila yung laman ng noontime slot from Monday to Saturday. Kung ano ang laman no'n, wala tayong kinalaman do'n."

Nasa pinirmahan nilang kontrata na puwede raw magpalit ng hosts o mag-reformat ng show ang TAPE at hindi ito pakikialaman ng GMA.

"In fact, nasa contract nila that they can change hosts, they can reformat and this contract was negotiated by Mr. (Antonio) Tuviera pa ang nag-negotiate no'ng time na 'yun."

"We have to honor the contract as long as there is no breach of its provisions. Kasi you know iba ang contract, eh it has legal consequences," dagdag pa ni Annette.

Kaya naman, sa pag-alis ng TVJ at iba pang hosts ay maugong ang bulong-bulungan na mananatili ang Eat Bulaga sa GMA Network subalit magkakaroon lamang ng panibagong set ng hosts, dahil halos lagas na lagas ang hosts at production team.

Kaya iyan ang inaabangan ngayon ng lahat! Sino-sino ang magiging hosts at panibagong mukha ng EB? Sa aling TV network na mapapanood ang TVJ at iba pang EB Dabarkads na sumamang mag-alsa balutan sa kanila?