Marami ang nabigla nang kumalat ang resignation letter ng iba pang Dabarkads hosts ng longest-noontime show na "Eat Bulaga" noong Hunyo 1, matapos ang pamamaalam nina dating Senate President Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon (TVJ) noong Mayo 31, sa pamamagitan ng kanilang YouTube channel.

Sa araw na iyon sana ang pormal na pamamaalam ng TVJ sa ere subalit hindi raw sila pinayagan ng management na umere nang live, kaya replay ang napanood sa mga telebisyon noong Mayo 31.

Ngunit hindi nagpapigil ang TVJ at ginawa ang anunsyo sa YT channel ng Eat Bulaga; naka-post din sa opisyal na Facebook page ang spiels na kanilang sinabi.

Sa ibinahaging litrato naman ng misis ni Vic na si Pauleen Luna-Sotto, makikitang naka-address ang naturang resignation letter kay Mr. Romeo Jalosjos, Jr., president at CEO ng TAPE, Inc., kompanyang producer ng Eat Bulaga.

Makasaysayang MMFF trophy, proud na inirampa ng mismong designer nito

Sa katawan ng liham, mababasa naman ang ganito: "Dahil po sa mga nangyari, kami po ay magpapaalam sa TAPE, Inc. simula ngayong araw, May 31, 2023.

Sa ibaba, nakalagda sa kanilang mismong sulat-kamay sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros o JoWaPao, na sinasabing hinihilot na papalit sana sa TVJ kung sakaling manatili sila sa EB.

Pumirma rin sa naturang resignation letter sina Allan K, Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon, at Maine Mendoza.

"All the hosts, writers, sales, production, and cameramen followed suit immediately after TVJ's resignation," saad sa text caption ng IG story ni Pauleen.

Screengrab mula sa IG story ni Pauleen Luna-Sotto via Balita

Kaagad na kumalat at naging viral ang resignation letter at napagdiskitahan naman ito ng mga netizen dahil sa napaka-simple a direct to the point nito.

Naikumpara pa ito sa iba pang resignation letter na karaniwang ipinapasa ng isang empleyado sa HR Department na naka-address sa may-ari o iba pang mas mataas na immediate superiors, na karaniwan ay pormal, mahaba, at structured.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.

"Minsan talaga hindi applicable ang mga principles of professional communication sa ilang contexts, like this resignation letter. Nonetheless, this letter perfectly delivered its message to the recipient. Minsan talaga umexit ka na lang, wala nang paliwanagan. Haha! Also, this is REAL LOYALTY. haha. Hindi oportunista."

"Ano ba 'yan?! Noong nagresign ako ayaw pa tanggapin kasi kelangan daw habaan ko pa, ganito lang pla sapat na. Jusko!"

"Nalulungkot ako Dabarkads. Pero mas nakakalungkot ang resignation letter ninyo haha. Sana nag-ChatGPT kayo."

"Ganito lang pala dapat ang resignation letter. Walang halong kaechusan."

"Yung ganitong resignation letter dapat... straight to the point."

"Hahaha!! Ang haba-haba pa no'ng sa'tin, may pa-thank you pa saka reason ba't aalis. Puwede naman pala ganito..."

"Sa baba pumirma si Ryzza Mae. Nyahahahahaha."

Samantala, wala pang tiyak na detalye kung ano na ang mangyayari sa Eat Bulaga maging sa dating hosts na nag-resign na rito, at kung matutuloy ba sila sa paglipat ng TV network.