Pinag-aaralan pa kung paano mapopondohan ang food stamp program ng pamahalaan na nangangailangan ng ₱40 bilyon para sa implementasyon nito.

Ipinaliwanag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Eduardo Punay sa isinagawang pulong balitaan sa Quezon City nitong Sabado na ang naturang budget requirement ay para lamang sa loob ng isang taon.

Layunin ng "Walang Gutom 2027: Food Stamp Program" na matulungan ang mga pamilyang nakararanas ng involuntary hunger sa bansa.

Tatalakayin pa aniya ng economic team kung saan kukunin ang pondo dahil sa limitadong mapakukunan ng ahensya.

Makikipagpulong din aniya sila sa Asian Development Bank (ADB) at sa World Bank na parehonga nag-alok na pondohan ang programa.

Nauna nang sinabi ng DSWD na magbibigay sila ng electronic benefit transfer card na kakargahan ng food credits na ₱3,000 kada buwan upang mabili ng mga benepisyaryo ang mga pangunahing bilihin mula sa mga accredited local retailer.

Kamakailan, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na posibleng simulan ang programa sa unang tatlong buwan ng 2024.