Ikinandado ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel consultancy agency sa Quezon City matapos matuklasang dawit umano sa illegal recruitment.
Mismong si DMW Secretary Susan Ople ang nanguna sa pagpapasara sa OVM Visa Assistance and Travel Consultancy na nasa Barangay Pasong Tamo, nitong Biyernes.
Nangangalap umano ng mga aplikante ang nasabing travel agency sa pangakong makapagtrabaho sa Poland at Malta sa kabila ng kawalan nito ng lisensya.
Ang closure order ay tugon sa reklamo ng isang aplikante na humingi ng tulong sa DMW-Migrant Workers’ Protection Bureau (DMW-MWPB).
Kaagad namang nagsagawa ng surveillance operations ang DWM-MWPB laban sa travel agency na natuklasang nag-aalok ito ng trabaho bilang kitchen helpers, housekeepers, waiters, at waitresses sa Malta at Poland.
Sa salaysay ng isang empleyado ng OVM, hinihingan nila ng pasaporte at biodata ang mga aplikante, bukod pa ang P420,000 na processing fee.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Ople na sasampahan nila ng kasong illegal recruitment ang may-ari at mga empleyado ng kumpanya.
Idinagdag pa nito, irerekomenda rin nila sa Quezon City government na kanselahin ang business permit ng OVM.