Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar Chavez na nakatakda nang magsimula sa Hulyo 2 ang tigil-operasyon ng mga biyahe ng Philippine National Railways (PNR) mula Alabang hanggang Calamba, Laguna at pabalik.

Inianunsiyo ito ni Chavez nang makisabay siya sa mga commuters ng PNR na bumiyahe sa naturang ruta nitong Biyernes, Hunyo 2.

Ayon kay Chavez, layunin ng tigil-operasyon na bigyang-daan ang pagtatayo ng North-South Commuter Railway (NSCR) system.

Nabatid na dalawang biyahe lamang naman ang maaapektuhan sa paghinto ng serbisyo, kabilang dito ang biyahe ng alas-4:38 ng umaga at alas-7:56 ng gabi at humigit-kumulang 467 pasahero ang sumasakay sa isang biyahe bawat araw.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Sinabi ni Chavez na mapapabilis ang konstruksyon ng NSCR nang walong buwan dahil itatayo lamang ang bagong elevated, double-track at electrified train system nito sa ibabaw mismo ng riles ng PNR.

Papalitan aniya ng bagong NSCR system ang kasalukuyang street-level, single-track at diesel locomotive set-up ng PNR.

”The Alabang to Calamba train service will be temporarily suspended to give way to a major construction that will result in a modern train service that will ferry more people, to more places, fast and safe,” pahayag pa niya.

“Ang pansamantalang abala, ihahatid ay pangmatagalang ginhawa,” saad ng transport official.

Nabatid na habang itinatayo ang NSCR, hindi muna magagamit ang mga istasyon ng Alabang, Muntinlupa, San Pedro, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, Mamatid, at Calamba.

Tiniyak naman ni Chavez na ngayon pa lang ay naghahanda na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga alternatibong sasakyan, gaya ng mga bus at jeepney, upang may masakyan ang mga apektadong train commuters.

Matatandaang ang konstruksiyon ng NSCR system, na popondohan ng P873 milyon, ay target masimulan ng gobyerno sa Hunyo 30.

Ang naturang 147-kilometrong NSCR system ay inaasahang tatahak mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna, na mag-uugnay sa Greater Manila Area sa karatig na mga lalawigan.

Ayon kay Chavez, ang NSCR ay magiging isa sa mga pinakamodernong rail system sa Timog-Silangang Asya na may pinansyal at teknikal na suporta mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at Asian Development Bank (ADB).

"Ang Kagawaran ng Transportasyon ay umaasa na ang North-South Commuter Railway ay makapagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pantransportasyon, magpapaunlad ng ekonomiya, at magkapagdudulot ng dagdag trabaho," sabi pa ni Usec. Chavez.