Sa layuning mai-promote pa ang mga de kalidad na produktong gawang Marikina at matulungan ang mga micro small and medium enterprises (MSMEs), binuksan na ng Marikina City Government at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang One Town, One Product (OTOP) Hub and Pasalubong Center sa lungsod.

Sa isang kalatas nitong Biyernes, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Marikina na ang OTOP ay isang priority stimulus program ng DTI para sa MSMEs sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Ang OTOP Hub and Pasalubong Center, na matatagpuan sa Marikina Sports Center at binuksan nitong Huwebes lamang, ay nagtatanghal ng mga de kalidad at matitibay na leather goods, handicrafts, bags, at maging ng mga local food products.

Mismong si Marikina First District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang nanguna sa pagbubukas ng naturang one-stop shop na ang layunin ay gawing mas accessible sa publiko, partikular na sa mga turista, ang mga produktong gawang Marikina, kasama si Councilor Cloyd Casimiro, na siyang chairman ng Committee of Trade, Commerce and Industry.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Rep. Teodoro na ang OTOP Hub and Pasalubong Center ay naglalayon ring makatulong sa mga MSMEs sa lungsod sa pagpapalago at pagpapalawak ng kanilang negosyo, kaya’t maaari silang magtinda dito ng libre.

“For Marikina OTOP Hub, this is for free walang sinisingil na kahit ano ang city government dahil, ang palagi ngang sinasabi ni Mayor (Marcelino Teodoro), ito ay tulong na namin sa ating mga maliliit at medium na negosyante,” ani Rep. Teodoro.

“Kahit man lang dito, ma-showcase natin ang inyong mga goods at maibenta natin sa affordable na prices ay masaya na kami,” aniya pa.

Sinabi pa ng mambabatas na nais din nilang maibalik ang pagmamahal ng mga tao sa mga sapatos at bags na gawang Marikina.

“Ang mga taga Marikina, hindi lang may disiplina, pero higit sa lahat skilled, talented, matiyaga sa kanilang pagmamahal sa isang produkto,” ani Rep. Teodoro.

Nagpahayag din siya ng intensiyong palawaking pa ang OTOP Hub at Pasalubong Hub.

“Gusto namin lumaki pa at lumago itong ating OTOP Pasalubong Hub,” said Rep. Teodoro.

Nabatid na nakipag-ugnayan na rin siya sa City Tourism Office upang gawing last stop ng mga turistang bibisita sa lungsod ang OTOP Hub and Pasalubong Shop.

Matatandaang isa sa adbokasiya ni Mayor Marcy na muling palakasin ang industriya ng sapatos sa lungsod, sa pamamagitan nang pagpu-promote sa mga abot-kaya at matibay na sapatos at iba pang leather goods na gawa ng kanilang mga residente.

Samantala, sa kanyang panig, sinabi naman ni DTI Regional Director Marcelina S. Alcantara na ang OTOP Hub ay malaking tulong sa mga MSMEs dahil nagkakaloob ito sa kanila ng marketing at product development.

“Ibig sabihin, lahat ng 18 na nanditong MSME’s ay dumaan sa tinatawag naming product development. Para sigurado tayo na maganda yung kalidad ng ating mga sapatos,” aniya.

Ayon naman kay Local Economic and Investment Promotion Office (LEPO) chief, Lourdes Dela Paz, kabuuang 18 merchants sa lungsod ang lumahok sa naturang programa ng DTI, kabilang dito ang Abby Shoes/Roadtrips Sandals; Apollo Shoe Gallery; C. Point Shoes; Ely Knows Enterprises; L. Evaristo Shoe Shop; Princess Ilona; Nico Angelo Leather Classic; Zachy Shoes; Fontelle Shoes; Tropical Palm Herb Mfg.; Clavel Handicrafts; Suba’s Diner; Authentic Wood Products; Vinhessa Food Processing and Mktg.; V&M Handbags; Vestrada; FAVP Handvags/Nichollethes; at Azulis Bag Collection.