Kasabay ng pagsisimula ng tag-ulan, inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ititigil muna nila ang pagbibigay ng impormasyon hinggil sa heat index sa bansa simula ngayong Biyernes, Hunyo 2.
“Sa panahong ito, mahalaga na magtuon tayo sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga panganib at posibleng epekto na kaugnay ng tag-ulan,” pahayag ng PAGASA.
Magsisimula umano ang muling pagbibigay ng impormasyon ukol sa heat index Marso 1, 2024, ang panahon kung kailan mainit at walang pag-uulan sa maraming bahagi ng bansa.
“Gayunpaman, para sa mga lugar na patuloy na may mainit na panahon, pinapayuhan ang publiko na manatiling maalam sa pamamagitan ng mga opisyal na pahayag mula sa mga lokal na awtoridad ukol sa anumang babala kaugnay ng labis na init ng panahon at gawin ang kinakailangang mga hakbang upang tiyakin ang inyong kaligtasan at kabutihan,” saad ng PAGASA.
Matatandaang opisyal nang inanunyo ng PAGASA kaninang hapon ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.
MAKI-BALITA: ‘Tag-ulan na!’ PAGASA, idineklara pagsisimula ng tag-ulan sa ‘Pinas