Isiniwalat ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na inalok ang mga nakakulong na suspek ng tag-₱8 milyon para bawiin ang kanilang mga testimonya hinggil sa kanila umanong pagkakasangkot at sa partisipasyon ni Negros 3rd District Rep. Arnolfo "Arnie" A. Teves Jr. sa pagpaslang kay Gov. Roel R. Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4.

Sinabi ni Remulla ang nasabing pinansyal na alok para sa recantation sa isang panayam sa CNN Philippines nitong Biyernes, Hunyo 2.

“‘Yun ang intelligence sa loob ng NBI na ganoon ‘yung alukan ng pera para itong mga taong ito ay bumaliktad,” ani Remulla.

Ayon kay Remulla, inalok ang pera ni dating Department of Justice (DOJ) undersecretary Reynante Orceo, ang legal counsel ni Marvin H. Miranda na na-tag bilang "co-conspirator" ni Teves sa pagpaslang.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“If I am not mistaken ‘yung unang balita namin he (Orceo) was offering them P8 million each para maging panatag sila at maniwala sila sa kanyang principal na congressman,” saad ni Remulla.

Nasa 11 ang nakakulong na suspek sa NBI. Bukod kay Miranda, sila ay sina Rogelio C. Antipolo Jr., Winrich B. Isturis, Joven C. Javier, Romel A. Pattaguan, Eulogio L. Gonyon Jr., John Louie L. Gonyon, Jhudiel R. Rivero, Joric G. Labrador , Benjie Rodriguez, at Dahniel P. Lora.

Sampu sa mga nakakulong na suspek ang naiulat na binawi ang kanila umanong orihinal na mga testimonya, maliban kay Miranda.

“Hindi pa alam kung nangyari iyon pero ‘yun ang balita sa amin ‘yung nagiging alok sa loob,” ani Remulla.

“Kaya lang sa recantation nila isa pa lang ang lumalabas. Nasa media lang ang sampu pero wala tayong nakikita na recantation na naibaba sa korte,” saad pa niya.  

Ang tinutukoy ni Remulla ay ang recantation na ginawa ni Rivero.

Inamin ni Remulla na walang makakapigil kay Orceo na makita si Miranda sa NBI detention facility.

“They are following the law. The right to counsel is there. ‘Yan ay absolute right na binibigay ng ating saligang batas. So, we have to obey the Constitution. Hindi namin sila pwede i-isolate at gawing incommunicado. We cannot do that. We should not do that because that is against the International Humanitarian Law,” paliwanag ni Remulla.

Kulang din aniya ang mga pasilidad ng NBI para manatiling hiwalay sa isa't isa ang mga suspek.

“They are co-mingling with each other kaya nag-usap usap na sila,” ani Remulla at sinabing: “recantations are frowned upon by the court.”

“Unang-una ‘yung sampung recantations na ‘yan hindi regular na nangyayari ‘yan. It’s actually a good way to see how conspiracies work. It just strengthens our case that this was a very big conspiracy from the very beginning and there is a conductor waving his magic around para pare-pareho ang sasabihin nila,” saad pa niya.

Kasabay nito, sinabi ni Remulla na dahil magsisimula na ang paglilitis laban sa 11 suspek sa Manila regional trial court (RTC), gumagamit na ang kanilang mga abogado ng delaying tactics.

Aniya, noong Mayo 31, kinailangang ipagpaliban ng trial court ang nakatakdang arraignment sa mosyon ng mga suspek na ipawalang-bisa ang mga kasong kriminal.

Ang isa pang pagkaantala, ani Remulla, ay ang petisyon para sa writ of habeas corpus na inihain ni Rivero para sa kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki na makalaya sa kustodiya ng gobyerno.

Ngunit, aniya, ang asawa at dalawang anak ni Rivero ay kusang umalis sa Witness Protection Program ng DOJ at nagpasalamat sa tulong ng gobyerno.

“Ang ibig sabihin nun moot and academic na ang kaso finile pa rin nila,” ani Remulla

“So, they are really wasting the time of the court and they are really in bad faith, itong Atty. Danny Villanueva, by filing the habeas corpus case.”

Hihilingin din daw ni Remulla sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na imbestigahan ito.

“You cannot trifle with judicial process in our country,” aniya.

Jeffrey Damicog