Hindi interesado si dating pangulong Rodrigo Duterte na magsilbi bilang anti-drug czar sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Mukhang hindi na rin tama,” ani Duterte noong Miyerkules, Mayo 31, sa panayam kasama si Pastor Apollo Quiboloy na inere SMNI.
Ipinaliwanag ni Duterte na si Marcos na ngayon ang nahalal bilang pangulo kaya tungkulin umano niyang ipatupad ang batas at lutasin ang mga krimen.
Sa panahon ng kaniyang termino mula 2016 hanggang 2022, nagsagawa ang dating pangulo ng “war on drugs” upang puksain umano ang kriminalidad at alisin sa bansa ang mga nagkasala sa droga.
Ang madugong kampanya laban sa droga ng kaniyang administrasyon ay kumitil ng higit sa 6,000 mga drug suspect, ayon sa datos ng gobyerno, ngunit naniniwala ang mga grupo ng karapatang pantao na ang bilang na ito ay maaaring umabot ng hanggang 30,000 kung kabilang dito ang mga biktima ng vigilante-style killings.
Tinanong ang dating pangulo kung isasaalang-alang niyang magsilbi bilang anti-drug czar sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ngunit tinanggihan niya ang ideya, at ipinaubaya ang trabaho kay Marcos upang tugunan ang problema sa iligal na droga ng bansa.
“Let us give Marcos the greatest elbow room leeway to do his job in just one year,” saad ni Duterte. “It’s a matter of leadership.”
Noong nakaraang buwan, tinanong ni Senator Bong Go, malapit na kaibigan ng dating pangulo, si Philippine National Police (PNP) chief Maj. Gen. Benjamin Acorda Jr. na kung magsisilbi si Duterte bilang anti-drug czar ay makakatulong ba siya sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Ang naturang katanungan ay itinaas sa ginanap na pagsisiyasat ng Senado sa umano'y cover-up sa multi-billion na shabu haul noong Oktubre.
Raymund Antonio