Apat na miyembro ng Dawlah Islamiyah (DI) at isang sundalo ang nasawi sa naganap na sagupaan ng kanilang grupo sa Marogong, Lanao del Sur nitong Miyerkules ng gabi.

Inaalam pa ng militar ang pagkakakilanlan ng dalawa sa mga napatay na miyembro ng DI matapos makilala ang dalawa sa mga ito na sina Abu Obaidah, deputy amir (leader), DI-Lanao at taga-gawa ng kanilang improvised explosive devices (IED), at Abu Mujahid na isa namang squad leader.

Hindi pa isinapubliko ng militar ang pagkakakilanlan ng napatay na sundalo.

Kinumpirma rin ni 103rd Infantry Brigade commander, Major General Yegor Rey Barroquillo, Jr. na nasugatan din sa sagupaan na tatlo ring sundalo na miyembro ng 7th at 9th Scout Ranger Company ng Philippine Army.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nailigtas naman ng tropa ng pamahalaan ang tatlo pang kasamahan ng apat na napatay.

Sinabi ni Barroquillo na ang insidente ay naganap sa liblib na Barangay Piangologan, Marogong, nitong Mayo 31, dakong 8:58 ng gabi.

Tumagal aniya ng limang minuto ang bakbakan bago tumakas ang mga miyembro ng DI.

Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang mga armas na kinabibilangan ng isang AR-15 Bushmaster, dalawang M16 A1 rifle, isang R4 rifle, apat na 5.56 na mahabang magazine, tatlong Baofeng commercial radio, 70 piraso ng balang 5.56mm, isang set ng IED, at mga personal na gamit.

Bonita Ermac