Nasa 175 scholar sa Quezon City ang nagsipagtapos ng technical-vocational courses sa ilalim ng special training and employment program ng Quezon City Skills and Livelihood Foundation Inc. (QCSLFI) nitong Huwebes, Hunyo 1.
Sa ulat ng Manila Bulletin, kabilang sa mga nagtapos ang 100 iskolar na nakatanggap ng kanilang Bread and Pastry Production National Certification II (NCII); 50 para sa Service Motorcycle/Small Engine System; at 25 naman sa Motorcycle/Small Engine Servicing NCII.
Dagdag pa ng ulat, ang mga nagsipagtapos ay nakatanggap ng iba't ibang livelihood equipment at toolkits na makatutulong sa kanila sa pagsisimula ng kanilang negosyo at pagpapalawak ng kanilang kaalaman tungkol sa kanilang natapos na mga kurso.
Binati ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga iskolar at sinabing hinahangaan niya ang kanilang determinasyon sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.
Tiniyak din niya sa mga handang sumuporta ang pamahalaang lungsod sa kanila.
Sinabi rin ng lokal na pamahalaan na mayroon nang mahigit 12,000 residente na nakatapos ng tech-voc sa ilalim ng QCSLFI mula noong 2009.
Ang QCSLFI ay isang non-profit organization at training center na nag-aalok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) accredited courses na naglalayong magbigay ng libreng livelihood skills training at livelihood programs para sa residente ng lungsod.
Kaugnay nito, nasa mahigit 400 estudyante naman ang nagtapos ng kanilang technical-vocational trainings sa Mandaluyong City.
Mismong si Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr. ang nanguna sa simpleng graduation rites para sa nasa mahigit sa 400 tech-voc students ng Mandaluyong Manpower and Technical-Vocational Training Center na ginanap sa Mandaluyong City Hall nitong Miyerkules.
Sa kaniyang mensahe, masayang binati at pinasalamatan ni Mayor Abalos ang mga nagsipagtapos dahil sa kanilang dedikasyon, pagsusumikap, at tiyaga sa pagkumpleto ng pagsasanay na ito.
MAKI-BALITA: https://balita.net.ph/2023/06/01/mahigit-400-estudyante-sa-mandaluyong-nagsipagtapos-ng-tech-voc-training/