Personal na binisita ni Manila Mayor Honey Lacuna ang isang lola na mula sa Paco, Maynila, at nagdiwang ng kanyang ika-101 kaarawan noong Mayo, upang iabot sa kanya ang mga benepisyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan para sa mga centenarians.
Kasama ni Lacuna, sa pagbisita kay Lola Socorro Bello, ang Barangay chairwoman sa lugar na si Evelyn de Guzman, nitong Huwebes ng gabi.
Mismong si Lacuna naman ang nag-abot ng certificate of recognition sa centenarian, gayundin sa P100,000 na tseke na nakasilid sa isang malaking envelope.
Bukod dito, binigyan din ng alkalde si Lola Socorro ng isang birthday cake, na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa lahat ng senior citizen ng Maynila, na nagdiriwang ng kanilang birthday.
Ayon kay Lacuna, napakasaya niya nang makita kung gaano kaligaya at napaka-responsive ni Lola Socorro.
Paulit-ulit ding pinasalamatan ng lola ang alkalde dahil sa kanyang pagbisita at pagkakaloob sa kanya ng regalo.
Sinabi naman ni Lacuna na ang personal na pagbisita niya sa mga centenarians ay maliit na paraan lamang upang ipakita niya ang pasasalamat at pagbibigay ng parangal sa matatanda, na inubos ang kanilang mga pinaka-produktong taon upang tumulong sa pagpapaunlad sa siyudad.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat lamang na bigyan ng nararapat na rekognisyon ang mga centenarians dahil tiyak aniyang nagkaroon ito ng malusog at maayos na pamumuhay kaya’t nagawa nitong umabot sa edad na 100.
Samantala, umapela rin naman si Lacuna sa mga miyembro ng pamilya ng mga senior citizen na alagaan ang kanilang mga nakakatanda, upang magsilbi itong ehemplo at gayahin ng mga kabataan.
Alinsunod sa Republic Act 10868 o The Centenarians Act of 2016, ang mga centenarians sa Maynila ay nakakatanggap ng one-time na P100,000 incentive, bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa lipunan at nation-building.
Sa ilalim ng batas, ang sinumang Pinoy na aabot ng 100-taon, nakatira man siya sa bansa o sa ibayong dagat, ay kikilalanin din sa pamamagitan ng Letter of Felicitation.
Upang makakuha naman ng nasabing benepisyo, kailangang magsumite ng mga kaanak ng centenarian ng mga pangunahing dokumento, gaya ng birth certificate o Philippine passport sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng kanilang mga local government unit, na siyang itinatakda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sakali umanong wala ang mga nasabing dokumento, maaaring magsumite ng isa sa anumang pangunahing Identification Cards, na maaaring inisyu ng OSCA, Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), driver’s license o Professional Regulations Commission (PRC) license.
Tinatanggap din umano ang voter’s ID na dating iniisyu ng Commission on Elections (Comelec).