Nanawagan ang Malacañang sa publiko na tumigil sa paninigarilyo dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan.
Inilabas ng Presidential Communications Office (PCO) ang panawagan kasabay na rin ng pagdiriwang ng National No Smoking Month sa bansa ngayong buwan.
Paliwanag ng PCO, tuwing Hunyo kada taon ay ipinagdiriwang ang National No Smoking Month alinsunod sa Proclamation No. 183 na pinirmahan noong 1993 bilang panawagan na tumigil na sa nakamamatay na bisyo.
"Inaanyayahan namin ang lahat na makiisa sa ating panawagan ngayong National No Smoking Month para sa isang malusog na komunidad," dagdag pa ng Malacañang.
Sa pahayag ng Lung Center of the Philippines noong 2022, nasa 321 ang namamatay sa Pilipinas dahil sa tobacco-related diseases.
Sa datos naman ng World Health Organization (WHO), mahigit sa walong milyon ang namamatay sa buong mundo kada taon dahil sa paninigarilyo.