Masayang ibinalita ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes na tagumpay sa larangan ng space science and technology ang hatid para sa Pilipinas ng mga dating high school student researcher ng St. Cecilia’s College – Cebu, Inc. (SCC-C) matapos na maipalipad nila ang kauna-unahang high-powered hybrid rocket nitong Mayo sa Crow Valley Gunnery Range, Capas, Tarlac.
Ayon sa DepEd, ang rocket ay pinangalanang ‘Tala’ ng mga researchers.
“We chose TALA in the end because it means ‘bright star’ which symbolizes the pursuit of something that is difficult or impossible to achieve,” ani John Harold R. Abarquez, dating Junior High School student ng SCC-C at Ground Support Equipment Lead ng rocketry team.
Anang Deped, bagama’t humarap sa hamon ng funding sa paggawa ng hybrid rocket, hindi inasahan ng grupo na sila ay matatanggap sa Young Innovators Program ng DOST PCIEERD at nakakuha ng suporta.
Sinabi naman ng Structural Lead ng research team na si Joefer Emmanuel T. Capangpangan, humarap sila sa mga pagsubok sa outsourcing ng raw materials para sa pagbuo ng rocket.
Ngunit sa pag-aaral at sa tulong ng tekhnolohiya ay nakakuha sila ng solusyon na mas epektibo sa pag-outsource at development ng rocket.
“The inspiration that keeps me going is my team. Every time we’re working on this research and seeing my team mates and mentors putting all their efforts and seeing their commitments is enough for me to keep going despite all the challenges we face,” ayon kay Joefer.
Samantala, ibinahagi naman ni Almida M. Plarisan, research mentor ng rocketry team, na nakipagtulungan sila sa Philippine Space Agency (PhilSA) at Philippine Air Force (PAF) para pagpapalipad ng rocket.
Nagkaroon din aniya ng upgrade ang subsystems ng rocket sa tulong ng Local Government Unit ng Minglanilla.
“It is in our deepest longing that this project will serve as catalyst and inspiration to our fellow Filipinos to pursue the field of rocket science. This project will also help in the advancement of space-related research in our country,” pagbibigay-diin ni Christian Lawrence C. Cantos, Avionics Lead and Rocketry team leader.
Sa kasalukuyan, ang rocketry team ay binubuo ng mga alumni ng SCC-C na sina Abarquez, Cantos, Capangpangan, Dorothy Mae M. Daffon, at Francis L. Espino na kumukuha ng iba’t ibang kurso sa larangan ng medicine at engineering sa bansa.
Samantala si Joshua K. Pardorla naman ay nagtatrabaho sa isang kumpanya sa information technology. Ang proyekto ay binuo sa gabay ng SCC-C research mentors na sina Plarisan at Wilfredo Pardorla, Jr..