Nagpahayag rin ng pagsuporta ang singer na si Ice Seguerra sa desisyon nina dating Senate President Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon (TVJ) matapos ang anunsyo ng tatlo na kumakalas na sila sa TAPE, Incorporated, ang producer ng longest noontime show na "Eat Bulaga."

Matatandaang unang nadiscover si Ice sa naturang noontime show nang sumali at manalo sa "Little Miss Philippines" at naging isa sa mga host mula 1987 hanggang 1997.

Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Ice ang litrato niya kasama ang TVJ.

"Hindi ko naiintindihan ang nararamdaman ko. Lungkot ba o saya?," ani Ice.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

"Malungkot ako sa nangyayari. Sa kawalang respeto. Malungkot ako dahil sa hiwalayang Eat Bulaga at TAPE, mayroong mga taong mag-iiba ang lagay sa buhay. Nalulungkot akong umabot sa ganito."

Sa kabilang banda, masaya raw si Ice sa mga nangyari.

"Pero masaya ako dahil malaya na sila. Bakit ka mananatili sa isang relasyong hindi ka naman masaya. Hindi rin ako natatakot sa kinabukasan ng programa. Ang Eat Bulaga ay Eat Bulaga. Kahit saang network sila mapadpad, walang paltos silang makakalipad."

"Kaya sulong lang, Dabarkads. Simula pa lang ito nang mas maniningning na bukas," dagdag pa.

Batay naman sa latest update ngayong Hunyo 1, nagbitiw na rin sa show sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo, Allan K, Pauleen Luna, at Maine Mendoza.