Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Nueva Ecija 4th District Rep. Rodolfo Antonino kaugnay ng umano'y maanomalyang paggamit ng ₱14.55 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) nito noong 2007.

Sa desisyon ng hukuman, nabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ni Antonino sa mga nasabing kaso.

Iniutos naman ng anti-graft court na makulong ng hanggang pitong taon ang kasamahang akusado ni Antonino na si dating National Agribusiness Corporation (NabCor)-human resources supervisor Encarnita Munsod matapos mapatunayang nagkasala sa bawat kasong 2 counts ng graft.

Bukod dito, hinatulan din siyang makulong ng hanggang 17 taon sa bawat malversation case nito (2 counts).

National

LPA sa loob ng PAR, posibleng maging bagyo -- PAGASA

Pinagbawalan na rin siyang magtrabaho sa gobyerno.

"Munsod is also liable to pay the gov’t through the Bureau of Treasury (BOT) the total amount of the funds malversed or the amount of P14,550,000 plus interest of six percent interest per annum to be reckoned from date of finality of decision until fully paid," ayon sa desisyon ng korte.

Ipinag-utos naman ng hukuman na i-archive muna ang kaso ni dating NabCor president Alan Javellana at dalawang private individual na sina Marilou Antonio at Carmelita Barredo hangga't hindi pa sila naaaresto.

Nag-ugat ang kaso nang i-endorso ang non-government organization na Buhay Mo Mahal Ko Foundation Inc. (BMMKFI) bilang "project partner" para sa implementasyon ng livelihood projects para sa 4th district ng Nueva Ecija.

Sinabi ng prosekusyon, ang mga proyekto ay pinondohan ng ₱13,095,000 at ₱1,455,000 mula sa PDAF ng dating kongresista kahit hindi umano dumaan sa public bidding.

Czarina Nicole Ong Ki