Ipinahayag ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Huwebes, Hunyo 1, na iniimbestigahan nila ang nangyaring pamamaril sa radio broadcaster na si Cresenciano Aldovino Bunduquin sa Oriental Mindoro.

Sa pahayag ng CHR, ibinahagi nito na nagsasagawa na ang kanilang personnel sa Region IV-B ng independent motu propio investigation sa pagpaslang kay Bunduquin sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro.

Ayon umano sa police report, binaril nang maraming beses ng dalawang salarin na nakasakay ng motorsiklo si Bunduquin sa harap ng kaniyang tindahan nitong Miyerkules ng madaling araw, Mayo 31.

Hinabol umano ng anak ni Bunduquin ang mga salarin at aksidenteng nabangga ang kanilang motorsiklo. Nagtamo ng mga sugat ang isa sa mga armadong lalaki at kalaunan ay namatay habang nakatakas naman ang isa.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon pa sa CHR, tinitingnan na ng lokal na pulisya ang lahat ng posibleng anggulo at inaalam pa kung ang pagpatay ay may kaugnayan sa media profession ni Bunduquin.

“CHR decries this latest incident of brazen media killing. We note the swift action of the Oriental Mindoro Provincial Police Office in creating a Special Investigation Task Group dedicated to the conduct of follow-up operations,” anang CHR.

“We are hopeful that this effort will help ascertain accountability of perpetrators and bring justice to the victim and his family,” dagdag nito.

Patuloy rin umanong nananawagan ang Komisyon para sa pinalakas na mga mekanismo upang matiyak ang kaligtasan at proteksyon ng media.

“The right to truth and information can only be fostered in an environment where media practitioners can do their work without fear of attack or reprisal,” anang CHR.

“It is incumbent upon the State to ensure the resolution of all media killings and harassment to curb impunity and create an enabling environment for press freedom,” saad pa nito.