Inaasahan na ng United States (US) Embassy sa Pilipinas na tataas pa ang bilang ng ipo-proseso nilang visa ngayong taon dahil bumalik na ang operasyon ng embahada mula nang magkaroon ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.

Sa isinagawang pulong balitaan sa embahada nitong Hunyo 1, ipinaliwanag ni US Embassy Consul General Mark McGovern na

inaasikaso na ng Consular Affairs Section (CAS) ng embahada ang pagpapalabas ng 330,000 non-immigrant visas para sa Fiscal Year 2023 (Oktubre 2022 hanggang Setyembre 2023) kumpara sa 188,000 noong 2022.

“Last year, we got around 190,000 and we were at two-thirds of our capacity last year,” pahayag ni McGovern.

Inaasahan aniya nilang mas tataas pa ang bilang ng ilalabas na non-immigrant visa kumpara noong 2019 o bago magkaroon ng pandemya.

“We're really trying our best and we're thankful for the patience the Filipino public is giving us,” anang opisyal.

Paliwanag ni McGovern na hindi pa naibabalik ang kanilang full capacity ng 200 empleyado ng embahada. Gayunman, sinabi nito na naging maayos at bumilis ang trabaho ng mga ito.

“A year ago, the wait time for a non-immigrant visa was close to two years. It is now four to five months. We’re looking to lower that to 2 to 3 months by the end of the year,” aniya.

Sa ngayon aniya, aabot sa US$185 o katumbas ng mahigit sa ₱10,000 ang bayad sa pagkuha ng non-immigrant visa na tatagal hanggang 10 taon.

“We have an increase in salaries, importation of visa foils and other materials. The fee increase is a worldwide change, not just in the Philippines,” pahabol pa ni McGovern.