Hiniling ng isang kongresista na gawin na ring tatlong taon ang bisa rehistro ng mga lumang motorsiklo upang makatipid sa gastusin ang mga may-ari nito.
Sa kanyang request letter kay Land Transportation Office (LTO) officer-in-charge Hector Villacorta, idinahilan din ni 1-RIDER Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, ang mga natanggap na panawagan na dapat nang isama ang mga lumang motorsiklo sa saklaw ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.
Sa ilalim ng memorandum circular, iniuutos nitong gawing tatlong taon na ang registration validity ng mga bagong motorsiklo.
Saklaw ng three-year registration validity ang mga motorsiklo na may engine displacement na 200 cubic centimeters (cc) pababa.
"Under previous guidelines, only motorcycles with engine displacement of 201cc and above were entitled to have a three-year registration validity based on Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code) and Republic Act 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act)," ayon sa kongresista.
Malaki rin aniyang pakinabang kung maisasama sa coverage ang mga lumang motorsiklo dahil ginagamit bilang motorcycle taxi at sa pagde-deliver, katulad ng Grab, Lalamove, Joyride, Move It, Food Panda at Toktok.
“Isa pa, income generating din ito sa panig ng LTO dahil marami na ang hindi nagpaparehistro dahil sa kakulangan ng budget, lalo na yung mga 'kagulong' natin sa mga probinsiya. Pero kung papayagan sila sa napakagandang hakbanging ito ng LTO ay maraming lumang motorsiklo ang mai-engganyo na magparehistro," sabi pa ng kongresista.
Philippine News Agency