Usap-usapan ngayon ang opisyal na pahayag nina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon (TVJ) kaninang tanghali, Mayo 31, sa pamamagitan ng longest-running noontime show na "Eat Bulaga," hinggil sa kanilang pagkalas sa producer nitong TAPE, Incorporated, na pagmamay-ari ng pamilya Jalosjos.

Matatandaang ilang buwan ding pinag-usapan ang gusot sa pagitan ng dalawang kampo, at hanggang ngayon ay hindi pa rin matuldukan ang espekulasyong may posibilidad na umalis ang TVJ sa GMA Network at dalhin ang Eat Bulaga sa ibang estasyon.

Batay sa kanilang emosyunal na pahayag kanina, hindi umano sila pinayagan ng management na magsagawa ng live na programa kaya taped ang umere kanina.

Dito ay inanunsyo na nila ang kanilang pagkalas sa TAPE, Inc. epektibo ngayong Miyerkules, Mayo 31. Punumpuno ng pasasalamat ang kanilang pahayag. Pinasalamatan nila ang kanilang tatlong naging tahanan, ang RPN 9, ABS-CBN, at GMA Network gayundin ang kanilang advertisers, at siyempre, ang kanilang mga giliw na Dabarkads at manonood na walang sawang tumangkilik sa kanila, sa loob ng 40 taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mababasa rin sa kanilang opisyal na Facebook page ang buong makabagbag-damdaming pahayag.

“PUMASOK PO KAMING LAHAT NGAYONG ARAW PARA MAGTRABAHO PERO HINDI PO KAMI PINAYAGAN NG NEW MANAGEMENT NA UMERE NG LIVE.

JULY 30, 1979 PO, NANG SIMULAN NAMIN ANG EAT BULAGA… 44 YEARS NA PO ITO NGAYONG TAON.

KAYA NAMAN LUBOS ANG AMING PASASALAMAT SA MGA NAGING TAHANAN NAMIN – ANG RPN9 FOR 9 YEARS, ABS-CBN FOR 6 YEARS, AT ANG GMA FOR 28 YEARS.

SALAMAT DIN SA LAHAT NG ADVERTISERS MULA 1979 NA NAGMAHAL, NAGTIWALA AT SUMUPORTA SA AMIN…

GANOON DIN SA INYO, MGA DABARKADS – SA MGA MANONOOD – SA INYONG PAGMAMAHAL SA PROGRAMANG NAGING BAHAGI NG INYONG TANGHALIAN.

LUBOS DIN ANG AMING PASASALAMAT KAY MR. TONY TUVIERA SA PAGKAKAIBIGAN AT PAGIGING BAHAGI NG AMING PAMILYA…

AT HIGIT SA LAHAT, SA PANGINOONG DIYOS NA KAHIT KAILAN HINDI NIYA KAMI PINABAYAAN. HINDI NA PO NAMIN ISA ISAHIN PA ANG LAMAN NG AMING PUSO.

ANG HANGAD LANG PO NAMIN AY MAKAPAGTRABAHO NG MAPAYAPA, WALANG INAAGRABYADO, AT MAY RESPETO SA BAWAT ISA.

SIMULA NGAYONG ARAW, MAY 31, 2023, KAMI PO AY NAGPAPAALAM NA SA TAPE INCORPORATED.

KARANGALAN PO NAMIN NA KAMI’Y NAKAPAGHATID NG TUWA’T SAYA MULA BATANES HANGGANG JOLO AT NAGING BAHAGI NG BUHAY NIYO.

MARAMING SALAMAT PO SA INYONG LAHAT. HANGGANG SA MULI… SAAN MAN KAMI DALHIN NG TADHANA, TULOY ANG ISANG LIBO’T ISANG TUWA.”

Samantala, nakaabang na ang lahat sa susunod na mga hakbang ng TVJ hinggil sa Eat Bulaga. Malakas kasi ang bulong-bulungang matutuloy ang paglipat nila sa TV5, at ang ilalagay sa noontime slot daw ay ang "Wowowin" ni Willie Revillame, subalit tikom pa ang bibig ng iba't ibang kampo upang kumpirmahin o pabulaanan ito.

MAKI-BALITA: ‘Rigodon sa noontime?’ Eat Bulaga, tuloy na raw sa paglipat, Wowowin may pasabog sa Hunyo