Sunog sa Mandaluyong, isa, patay
Isa ang patay nang sumiklab ang isang sunog sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong Miyerkules ng madaling araw.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa naglalabas ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng biktima.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa Abella Compound, Nanirahan St., Brgy. Mabini J Rizal, Mandaluyong City.
Nabatid na malaki na ang sunog nang magising ang mga residente sa lugar.
Nagawa namang makalabas ng may-ari ng bahay na si Gilbert Guilla, na natutulog sa ikalawang palapag, ngunit wala siyang naisalbang mga gamit.
Nagsimula umano ang sunog sa ikatlong palapag, kung saan nakatira ang pamilya ng kaniyang kapatid.
Nagtagal lamang ng 30-minuto ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-3:49 ng madaling araw.
Ayon kay SFO3 Alvic Alabastro, arson investigator ng Mandaluyong BFP, dahil sa gawa sa kahoy, bumagsak agad ang flooring ng ikatlong palapag ng bahay.
Natira lamang umano ang konkretong CR nito, at doon natagpuan ang bangkay ng biktima.
Masusi nang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog.