Eksaktong 2:33 ng madaling araw ng Mayo 31, 2023, inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa ang Maharlika Investment Fund Bill of 2023.
“Nagpapasalamat ako sa aking mga kapwa senador mula sa mayorya at minorya para sa mga amendment na kanilang inihain, sama-sama nating nagawa ang isang panukalang batas na pakikinabangan ng husto ng mga Pilipino,” sabi ni Villar.
Umabot ng 12 oras ang Period of Amendments para sa Maharlika Bill bago ito naipasa sa ikatlong pagbasa na may 19 na pabor, 1 hindi pabor, at 1 hindi bumoto.
“Isinulong natin ang panukalang batas na ito hindi lamang para sa positibong maidudulot nito sa ekonomiya, ngunit higit upang malutas ang lumalalang problema sa kahirapan at kawalan ng trabaho. Ayon sa ating mga economic manager, inaasahang makapagbibigay ng 350,000 na mga trabaho ang Maharlika,” paliwanag ni Villar.
Kapag naging batas na ito, lilikha ito ng kauna-unahang sovereign investment fund ng bansa.
“Ako ay lubos na nagpapasalamat sa pagpasa ng Maharlika Investment Fund Act sa ikatlong pagbasa. Ang pagtatatag ng sovereign wealth fund ay makatutulong sa pag-unlad ng bansa at lilikha ng mga pagkakataon para sa isang mas magandang kinabukasan para sa lahat ng Pilipino. Nagpapasalamat din ako sa suporta ng mga kapwa ko senador at naniniwala ako na malaki ang pakinabang ng batas na ito sa ating bansa,” ani Villar.
Magpupulong ngayon ang mga representante ng Kamara at Senado para sa Bicam conference ng Maharlika bill.