Babawiin na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang warning signal ng bagyong Betty dahil papalayo na ito sa Pilipinas.

Sa pulong balitaan nitong Mayo 31, ipinaliwanag ni PAGASA weather forecaster Robert Badrina na kung hindi ngayong Miyerkules ay sa Huwebes na nila tatanggalin ang babala ng bagyo (Signal No. 1) sa limang lugar sa Luzon.

Nasa Signal No. 1 pa rin ang Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands; northern at eastern portion ng Isabela; eastern portion ng Ilocos Norte; northern portion ng Kalinga; at northeastern portion ng Abra.

Sa weather bulletin ng PAGASA nitong Miyerkules ng madaling araw, dahan-dahang tinatahak ng bagyo ang hilaga-hilagang kanluran at posibleng tutumbukin ang Japan.

Huling namataan ang sentro ng bagyo 320 kilometers silangan ng Itbayat, Batanes, dala ang lakas ng hanging 120 kilometers per hour (kph).

Taglay din ng bagyo ang bugso na hanggang 150 kph.

Magiging severe tropical storm na lamang ito sa Huwebes at inaasahang nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Biyernes, Hunyo 2.