Nagbitiw si Senador Robinhood "Robin" C. Padilla nitong Lunes, Mayo 29, bilang executive vice president ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) upang matiyak umanong makakapag-concentrate siya sa pagtupad sa kaniyang mga tungkulin bilang senador.

Nilinaw ni Padilla, gayunpaman, na balak niyang manatiling miyembro ng partido at patuloy na aktibong lumahok sa mga adbokasiya nito.

Matatandaang nanguna si Padilla sa senatorial race noong Mayo 2022.

"Ngayong araw, ika-29 ng Mayo, 2023, akin pong inihain ang aking hindi na mababawing pagbibitiw o irrevocable resignation bilang Executive Vice President ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Gayunpaman, akin pong ipinahahayag ang aking hangarin na manatili bilang miyembro ng Partido," ani Padilla.

"Nagtitiwala ako na ang aking desisyon ay para sa mas kapakinabangan at kabutihan ng PDP-Laban at sa lahat ng miyembro nito tungo sa kolektibong hangarin ng Partido - at higit sa lahat, sa mga mamamayang Pilipino," dagdag niya.

Binanggit ni Padilla na marami pang gustong makamit ang PDP-Laban, kaya kailangan umano nito ng EVP na maglalaan ng mas maraming oras sa mga gawain nito.

Dagdag pa niya, dahil mabigat ang responsibilidad niya bilang elected official, mas makabubuti kung may ibang papalit sa nasabing posisyon.

"Bilang nanunungkulang Senador na mayroong mabigat na mandato sa taumbayan, mulat po ako na kailangang magbigay daan ang ibang pananagutan, kabilang na ang aking posisyon bilang EVP, para sa mas epektibong pagganap sa aking mga sinumpaang tungkulin sa bayan," ani Padilla.

Mario Casayuran