Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Martes na patuloy na sa pagbaba ang 7-day positivity rate ng Covid-19 sa National Capital Region (NCR).

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David, nabatid na ang positivity rate ng rehiyon ay nasa 21.2% na lamang noong Mayo 28, 2023.

Ito ay apat na puntos na pagbaba mula sa dating 25.2% noong Mayo 21.

Samantala, maging ang reproduction number ng Covid-19 sa NCR ay bumaba na rin sa 0.97 o less than 1 noong Mayo 26.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga pasyenteng nagpopositibo sa Covid-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri habang ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng Covid-19.  Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan ng virus.

“NCR 7-day positivity rate continued to decrease, down to 21.2% as of May 28 2023, from 25.2% on May 21. The reproduction number decreased to 0.97 or less than 1 as of May 26,” tweet pa ni David.

Sa kabila naman nito, sinabi rin ni David na nakapagtala sila ng bahagyang pagtaas sa hospital occupancy na mula sa 28.8% noong Mayo 21, ay naging 29.1% noong Mayo 28.

Sa hiwalay namang tweet nitong Lunes ng gabi, sinabi rin ni David na base sa datos ng Department of Health (DOH) ang nationwide positivity rate sa bansa ay nasa 22.4% noong Mayo 29.  Mas mababa ito sa 22.8% na nationwide positivity rate na naitala noong Mayo 27.