Pinayagan ng Korte Suprema ang beteranong mamamahayag at Nobel Laureate na si Maria Ressa na magtungo sa ibang bansa mula Hunyo 4 hanggang 29 para sa kaniyang mga speaking engagement sa Italy, Singapore, United States, at Taiwan.

Si Ressa, chief executive officer ng news outfit na Rappler, ay umapela sa kaniyang cyber libel conviction at nakabinbin pa rin ang resolusyon sa Korte Suprema.

Noong Marso, pinayagan din ng Korte Suprema si Ressa na magtungo sa Canada, France, South Korea, at United States para rin sa kaniyang speaking engagements.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Sinabi ng PIO na si Ressa ay “shall travel on the cash bond of P100,000 she previously posted pursuant to an earlier Resolution of the Court.” 

Bukod dito, kailangan ding mag-abiso ni Ressa sa korte hinggil sa kaniyang pagbabalik bansa limang araw mula sa kaniyang pagdating.

Sa isang resolusyong na may petsang Oktubre 10, 2022, tinanggihan ng Court of Appeals (CA) ang mosyon na muling isaalang-alang ang desisyon noong Hulyo 22, 2022 na nagpatibay sa cyber libel conviction kay Ressa at dating reporter ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr..

Sina Ressa at Santos ay hinatulan ng cyber libel sa isang desisyon na ibinaba noong Hunyo 2020 ng Manila Regional Trial Court (RTC) Rainelda Estacio-Montesa. Sila ay pinatawan ng pagkakakulong mula anim na buwan hanggang anim na taon. 

Itinaas nina Ressa at Santos ang kaso sa CA na tinanggihan ang kanilang petisyon. Inapela nila ang kanilang kaso sa Korte Suprema.