Bahagyang bumagal ang Typhoon Betty na patungo na sa hilagang-kanluran ng silangan ng karagatan ng Cagayan, habang nananatili sa Signal No. 2 ang dalawang probinsya sa Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng umaga, Mayo 29.

Sa tala ng PAGASA nitong 11:00 ng umaga, namataan ang mata ng Typhoon Betty 470 kilometro ang layo sa silangan ng Aparri, Cagayan o  475 kilometro ang layo sa silangan ng Calayan, Cagayan, na may maximum sustained winds na 155 kilometer per hour at pagbugsong 190 kilometer per hour.

Kumikilos ito hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometer per hour.

Naitala ang Signal No. 2 sa mga sumusunod na lugar:

  1. Batanes 
  2. Hilagang-silangang bahagi ng Cagayan (Santa Ana, Gonzaga) kabilang na ang Babuyan Islands

“Minor to moderate impacts caused by gale-force winds are likely within the areas where Wind Signal No. 2 is hoisted,” anang PAGASA.

Samantala, nakataas naman sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar: 

  1. Mga natitirang bahagi ng mainland Cagayan
  2. Isabela
  3. Apayao
  4. Ilocos Norte
  5. Abra
  6. Kalinga
  7. Mountain Province
  8. Ifugao
  9. Hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler)
  10. Quirino
  11. Hilagang-silangan bahagi ng Nueva Vizcaya (Kasibu, Quezon, Solano, Bagabag, Diadi, Villaverde, Bayombong, Ambaguio) 
  12. Hilagang bahagi ng Catanduanes (Caramoran, Viga, Gigmoto, Panganiban, Bagamanoc, Pandan)
  13. Hilagang-silangan bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Garchitorena, Lagonoy, Tinambac, Siruma) 
  14. Polillo Islands
  15. Hilagang bahagi ng Camarines Norte (Vinzons, Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Talisay, Daet, Mercedes, Basud) 
  16. Hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Sur (Gregorio del Pilar, Magsingal, San Esteban, Banayoyo, Cervantes, Burgos, Santiago, San Vicente, Santa Catalina, Lidlidda, Nagbukel, Sinait, Sigay, San Ildefonso, Galimuyod, Quirino, City of Vigan, San Emilio, Cabugao, Caoayan, San Juan, Santa, Bantay, Santo Domingo, Santa Maria, Narvacan, Salcedo, City of Candon)

“Minimal to minor impacts from strong winds (i.e., strong breeze to near gale strength) are possible within any of the areas where Wind Signal No.1 is currently in effect,” saad pa ng PAGASA.

Dahil naman sa Southwest Monsoon o habagat, maaari umanong makaranas ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas.