Pinaalalahanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Lunes ang publiko laban sa pagkakaroon ng mataas na presyon o altapresyon, lalo na ngayong napakainit ng panahon.
Ang paalala ay ginawa ng PhilHealth kaugnay ng pagdiriwang ng Hypertension Awareness Month ngayong Mayo.
Nabatid na ang altapresyon ay ang labis na pagtaas ng blood pressure na dumadaloy sa mga ugat ng isang tao o kapag ito ay umabot o mas mataas sa 140/90 mmHg.
Kabilang sa mga maaaring dahilan ng pagkakaroon ng altapresyon ay edad, namana sa magulang, nakuha sa paninigarilyo, sobrang timbang, pagkain ng sobrang maalat at matataba, at kakulangan sa ehersisyo.
Ayon sa survey na isinagawa ng Philippine Heart Association, nasa 12 milyong Pilipino ang mayroong altapresyon.
Sa naturang bilang, 65% ay alam ang kanilang kondisyon, 37% ang nasa gamutan (treatment) at 13% naman ay nakuha na ang tamang presyon ng dugo.
Upang matulungan naman ang lahat na makaiwas sa altapresyon, binigyang-diin ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr., ang kahalagahan ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta Package, ang pinalawak na primary care benefit para sa lahat ng Filipino.
“Layunin ng PhilHealth Konsulta na maagang makita ang anumang karamdaman at maagapan ang paglala ng sakit gaya ng hypertension. Kasama sa paketeng ito ang konsultasyon, health screening, laboratory at mga gamot,” paliwanag ni Ledesma, sa isang pahayag.
Idinagdag pa niya na, “sa unang konsultasyon ay mayroong health risk assessment kung saan malalaman halimbawa kung hypertensive ang isang tao, mabibigyan ng gamot, at mamo-monitor ang kanyang kondisyon. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang paglala ng karamdaman.”.
Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang check-up, health screening at assessment, mga laboratoryo at gamot kasama na ang sa altapresyon na nakalista sa Philippine National Formulary kagaya ng enalapril, metoprolol, amlodipine, hydrochlorothiazide at losartan.
Hinikayat din naman ni Ledesma na magparehistro at gamitin ang benepisyo ng PhilHealth Konsulta “upang makaiwas sa mas magastos na gamutan bunga ng paglala ng kondisyon ng pasyente sa mga sakit na maaari namang maagapan gaya ng mataas ng presyon ng dugo.”
Ang lahat ng miyembro ng PhilHealth ay maaaring magparehistro sa mapipiling Konsulta provider sa pamamagitan ng self o assisted registration.
Kung self-registration, maaari itong gawin gamit ang Member Portal na maa-access sa www.philhealth.gov.ph. Maaari namang magtungo sa alinmang PhilHealth Local Insurance Office para sa assisted registration.
Tiniyak din ni Ledesma na binabayaran ng PhilHealth ang confinement dahil sa altapresyon na may paketeng P9,000 sa mga accredited Levels 1 -3 hospitals sa buong bansa.