Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na isapuso ang pagpaparangal at paggalang sa watawat ng Pilipinas, hindi lamang sa Pambansang Araw ng Watawat o National Flag Day, o sa bawat flag raising ceremony, kundi sa araw-araw, at sa lahat ng pagkakataon.

Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna sa regular flag raising ceremony nitong Lunes, kasabay nang pakikiisa ng lungsod ng Maynila sa pagdiriwang ng bansa sa National Flag Day na nagsimula noong Mayo 28 at magtatagal hanggang sa Hunyo 12, 2023, Araw ng Kasarinlan.

"Siguro naman, alam n'yo na dahil linggo-linggo ay nagpupugay tayo sa ating watawat, dahil ang ating watawat ang simbolo ng ating bansa.  Kaya marapat lamang po na ang pagbibigay-halaga sa ating watawat ay hindi lamang tuwing Lunes. Ito po ay ating isabuhay sa isip, sa salita at sa gawa," panawagan pa ng alkalde.

Hinimok din niya ang mga opisyal at empleyado ng lungsod na nagsisilbi sa Manila City Hall na ikonsidera ang bagong linggo, bilang isa na namang panibagong pagkakataon upang magkaloob ng pinakamahusay na serbisyo sa publiko.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"Panibagong linggo, panibagong pagkakataon para magbigay tayo ng isang tapat at tuwid na paglilingkod.  Ito po ay ang ating paraan upang makapagbigay tayo ng paggalang sa ating watawat," paliwanag pa ng alkalde.

Dagdag pa ni Lacuna, "Sana po sa ating paglilingkod, lagi nating isapuso ang ating pagbibigay-serbisyo nang sa gayon, maramdaman naman  ng ating mga kababayang Manilenyo ang ating tunay na pagkalinga sa kanila."

Samantala, sa nasabi ring aktibidad, binati at pinuri ni Lacuna ang mga opisyal at staff ng Ospital ng Tondo (OsTon) para sa kanilang founding anniversary.

Inaalala pa ni Lacuna, na isa ring doktor, na dalawang taon siyang nagsilbi sa naturang ospital bago tuluyang nahalal bilang konsehal ng Maynila.

"Hindi po magtatagal ang isang ospital kung di maganda ang paglilingkod.  Maaring maliit lamang ang ospital pero de kalidad ang serbisyo,"  ayon pa sa alkalde.