Inabsuwelto ng Sandiganbayan ang isang dating alkalde ng Surigao del Sur kaugnay ng kasong technical malversation 30 taon na ang nakararaan.

Sa desisyon ng 3rd Division ng anti-graft court, walang sapat na katibayan ang prosekusyon upang idiin si dating Tagbina Mayor Rufo Pabelonia, 70, sa kaso.

Si Pabelonia ay alkalde ng Tagbina noong 1986 hanggang 1995.

“Reviewing closely the evidence introduced by both parties, this Court is convinced beyond a moral certainty that accused Mayor Pabelonia did not act with evident bad faith in the construction of the gymnasium to the detriment of the government,” ayon sa desisyon ng hukuman nitong Mayo 26 at isinapubliko nitong Lunes.

Nag-ugat ang kaso dahil sa alegasyong ginastos umano ni Pabelonia ang ₱300,000 na pondo ng munisipyo.

Kabilang sa nasabing pondo ang ₱63,000 na nakalaan sa pagpapatayo ng Tagbina Municipal Building na ginamit umano ni Pabelonia bilang cash gift ng mga opisyal at kawani ng munisipyo noong 1990.

Umabot din sa ₱151,642 na nakalaan sa pagpapatayo ng Tagongon Barangay Gymnasium ang ginastos din umano ng dating alkalde upang bayaran ang utang munisipyo sa isa pang municipal building contractor.

Ang ikatlong kaso ay may kinalaman naman sa hindi umano maipaliwanag na ₱54,849 para sa naturang gymnasium.

Nitong nakaraang taon, pinawalang-sala ng hukuman si Pabelonia sa kasong graft na nag-ugat naman sa iba pang proyekto noong 1987 na ikinaaresto nito sa Davao City noong 2018 dahil sa hindi pagsipot sa arraignment nito.

Philippine News Agency