Hindi na raw tuloy ang pirmahan ng kontrata nina Wowowin host Willie Revillame at pamunuan ng VIVA ni Bossing Vic Del Rosario, ayon sa source ni Cristy Fermin, na napag-usapan nila ng co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez sa kanilang show-oriented ">vlog na "Showbiz Now Na (SNN)."
Matatandaang una nang napabalitang ang VIVA Entertainment na raw ang hahawak sana sa career ni Willie na dating siya lamang ang gumagawa. Magkakaroon daw ng concerts sana abroad si Willie na pamamahalaan nga ng kompanya ni Bossing Vic.
Ngunit sa panibagong tsikang pinakawalan ni Cristy, mukhang nagbago na raw ang usapan at wala nang pirmahan ng kontratang magaganap. Tila hindi na raw matutuloy ang nilulutong concert tour ni Willie sa iba't ibang panig ng bansa gaya ng US, Canada, at sa iba pang bansa sa Europa.
"Hindi na matutuloy," ani Cristy.
"Pati pagpirma niya ng kontrata sa VIVA, hindi natuloy. Ang kwento ng aking source, nag-meeting na raw si Boss Vic Del Rosario at si Willie Revillame. Nagkasundo na na kukuha ng 20% ang VIVA sa lahat ng kikitain ng konsyerto ni Willie. So okay, okay na raw wala nang problema."
"Maya-maya raw, pagkatapos ng ilang araw, meron na naman daw kakaltasin na 20%. 'Yung booking saka 'yung finder's fee. EH di 40% na. Ikaw si Willie, kukuha ang VIVA ng 40%, papayag ka?" tanong ni Cristy kay Wendell.
"Ah hindi ako papayag, siyempre... heto na nga ba sinasabi ko, nagharap ang dalawang makuwenta!" sey naman ni Wendell.
Natawa naman sina Cristy at Romel sa sinabi ni Wendell at saka sinundutan, "Oo, parehong negosyante!"
Katwiran naman ni Cristy, baka ang naisip ni Willie, bakit naman 60% lang ang mapupunta sa kaniya gayong siya naman ang performer o haharap sa mga tao.
Sa palagay naman ni Romel, kung sa panig naman ng VIVA, makatwiran ang 40% daw sila naman ang magsasagawa ng marketing at sila ang nag-book para sa kaniya.
"Eh kaso hindi na po yata pumayag si Willie. So wala na po yung concert, pati yung sinasabing pagpirma niya sa VIVA hindi na rin po natuloy dahil dito sa karagdagang 20% ulit sa kikitain ng kaniyang konsyerto," dagdag na paliwanag pa ni Cristy.
Ayon pa kay Cristy, tila may nilulutong programa si Willie na hindi mapapanood sa alinmang TV network.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Willie o maging ng VIVA tungkol dito.