Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese matapos umanong magpanggap na Pinoy sa mga transaksyon nito sa mga ahensya ng gobyerno sa bansa kamakailan.

Isinasailalim na sa deportation proceedings si Tai Fang Ching, 60, habang nakapiit sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, inaresto si Ching matapos matiyempuahan ng mga tauhan ng Intelligence Division ng ahensya sa F.B Harrison St., Ermita nitong Mayo 16.

"Aliens who flaunt and make a mockery of our immigration and citizenship laws do not deserve the privilege to stay here. They should be expelled and banned from re-entering the country,” anang opisyal.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Dinampot si Ching sa bisa ng warrant of deportation na ipinalabas ng BI board of commissioners noong Hulyo 2022 dahil sa pagiging undesirable alien nito.

Natuklasang gumamit si Ching ng pangalang Albert Torres Abaya matapos maghain ng incorporation papers ng kanyang negosyo sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Ginamit din niya ang kaparehong pangalan sa pagkuha ng driver's license sa Land Transportation Office (LTO), pagrehistro ng kanyang negosyo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa iba pang public documents.

Idinagdag pa ng ahensya, kapag pinabalik na si Ching sa China, hindi na ito makapapasok sa bansa dahil isasama na ito sa immigration blacklist.

Philippine News Agency