Posibleng sa Biyernes pa lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Betty, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes.
Sa 11:00 am weather bulletin ng PAGASA nitong Lunes, huling namataan ang bagyo 470 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan o 475 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan. Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour (kph).
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging 155 kph malapit sa gitna at bugso nito na hanggang 190 kph.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na humina ang bagyo habang kumikilos ito sa karagatan sa silangan ng Cagayan.
Inaasahang palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na magdudulot ng pabugso-bugsong hangin sa susunod na 24 oras.
Sa pagtaya ng ahensya, babagal ang pagkilos ng bagyo sa Martes hanggang Miyerkules habang nananatili sa karagatang sakop ng Batanes.
Pagkatapos ay inaasahang kikilos ang bagyo pa-hilaga hilagang silangan o hilagang silangan sa Huwebes at unti-unting bibilis habang tinutumbok ang ang karagatang bahagi ng Taiwan at southern portion ng Ryukyu Islands.
Tuluyan nang lalabas ng bansa ang bagyo sa Biyernes kung hindi ito magbabago ng direksyon, ayon pa sa PAGASA.