Isang 4-anyos na batang lalaki sa Las Piñas City ang natagpuang patay sa loob ng washing machine nitong Linggo, Mayo 28, dalawang araw matapos maiulat na nawawala.

Sinabi ng Las Piñas police na nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong alas-7:00 ng umaga nitong Linggo, sa loob ng bahay ng kaniyang 15-anyos na tiyuhin sa Kalamansi Street, Barangay CAA, Las Piñas City.

Ayon kay Col Jaime Santos, city police chief, iniulat ng ina ng suspek ang pagkakadiskubre sa naaagnas na katawan ng biktima matapos silang makaamoy ng mabaho sa loob ng washing machine.

Ibinahagi ni Santos na sinabi ng ina ng suspek na naaksidente ang bata at ang suspek. Natakot at nataranta umano ang suspek nang makitang hindi na gumagalaw ang bata, kaya inilagay ang bata sa loob ng washing machine.

Metro

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>

Ayon pa kay Santos, sinabi ng pamilya ng biktima na ang bata ay naiwan sa kustodiya ng kaniyang tiyuhin noong Mayo 26.

Idinagdag ng hepe ng pulisya na ang bata ay iniulat ng kaniyang ama na nawawala dakong alas-4:00 ng hapon.

Sinabi ng ama ng biktima sa pulisya na huling nakita ang bata na nakikipaglaro sa kaniyang mga pinsan.

Iginiit ng pamilya ng bata na hindi aksidente ang pagkamatay ng biktima matapos mag-post ang suspek sa kaniyang social medial account, na nagpapahiwatig na siya umano ang pumatay sa kaniyang pamangkin. Ang post ay tinanggal sa ibang pagkakataon.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at hinihintay ang autopsy report upang matukoy kung may foul play ang pagkamatay ng bata.

Dinala naman ang suspek sa pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Jean Fernando