Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal No. 2 ang tatlong lugar sa Luzon nitong Lunes ng umaga, Mayo 29, dahil sa Typhoon Betty.

Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng umaga, bahagyang bumilis ang Typhoon Betty patungo sa hilagang-kanluran ng karagatang silangan ng Cagayan.

Namataan ang mata ng bagyo 525 kilometro ang layo sa silangan ng Aparri, Cagayan na may maximum sustained winds na 155 kilometer per hour at pagbugsong 190 kilometer per hour.

Kumikilos ito hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometer per hour.

Naitala ang Signal No. 2 sa mga sumusunod na lugar:

  1. Batanes
  2. Silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Camiguin Is., Didicas Is., Pamuktan Is.)
  3. Hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana) 

“Minor to moderate impacts caused by gale-force winds are likely within the areas where Wind Signal No. 2 is hoisted,” anang PAGASA.

Samantala, naiulat ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

  1. Mga natitirang bahagi ng Babuyan Islands
  2. Mga natitirang bahagi ng mainland Cagayan
  3. Isabela
  4. Quirino
  5. Hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya (Kasibu, Quezon, Solano, Bagabag, Diadi, Villaverde, Bayombong, Ambaguio)
  6. Apayao
  7. Abra
  8. Kalinga
  9. Mountain Province
  10. Ifugao
  11. Ilocos Norte, 
  12. Hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler)
  13. Polillo Islands
  14. Hilagang bahagi ng Catanduanes (Caramoran, Viga, Gigmoto, Panganiban, Bagamanoc, Pandan)
  15. Hilagang-silangan bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Garchitorena, Lagonoy, Tinambac, Siruma)
  16. Hilagang bahagi ng Camarines Norte (Vinzons, Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Talisay, Daet, Mercedes, Basud)

“Minimal to minor impacts from strong winds (i.e., strong breeze to near gale strength) are possible within any of the areas where Wind Signal No.1 is currently in effect,” saad pa ng PAGASA.

Nagsisimula na rin umanong palakasin ng Bagyong Betty ang Southwest Monsoon o Habagat. Dahil dito, posible ang paminsan-minsang pagbugso ng hangin sa susunod na 24 na oras sa mga lokalidad sa silangang bahagi ng Central Luzon, silangan at timog na bahagi ng Southern Luzon na wala sa ilalim ng anumang Wind Signal, at sa malaking bahagi ng Visayas.