Bahagyang humina ang Typhoon Betty na kumikilos na pa-kanluran hilagang-kanluran sa Philippine Sea sa silangang bahagi ng Northern Luzon, habang nananatili sa Signal No. 1 ang 12 probinsya sa Northern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng hapon, Mayo 28.

Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng hapon, nananatiling nakataas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:

  1. Batanes
  2. Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
  3. Isabela
  4. Apayao
  5. Ilocos Norte
  6. Hilaga at gitnang bahagi ng Abra (Tineg, Lacub, Lagayan, San Juan, Lagangilang, Licuan-Baay, Malibcong, Danglas, La Paz, Dolores, Tayum, Bucay, Sallapadan, Daguioman, Bucloc, Boliney)
  7. Kalinga
  8. Silangan at gitnang bahagi ng Mountain Province (Sadanga, Barlig, Natonin, Paracelis, Bontoc)
  9. Silangan at gitnang bahagi ng Ifugao (Mayoyao, Aguinaldo, Alfonso Lista, Banaue, Hingyon, Lagawe, Lamut, Kiangan, Asipulo)
  10. Hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao)
  11. Quirino 
  12. Hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya (Kasibu, Quezon, Solano, Bagabag, Diadi, Villaverde, Bayombong, Ambaguio)

Ayon sa PAGASA, posibleng masimulang maramdaman ang epekto ng malakas na hangin mamayang gabi o bukas, Lunes ng umaga, Mayo 29.

Namataan umano ang mata ng Typhoon Betty 630 kilometro ang layo sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan na may maximum sustained winds na 165 kilometer per hour at pagbugsong 205 kilometer per hour.

Humina umano ang Typhoon Betty habang kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometer per hour.

Matatandaang ibinaba na ng PAGASA ang bagyong Betty sa kategoryang ‘typhoon’ mula sa ‘super typhoon’ nitong Sabado ng gabi, Mayo 27.

MAKI-BALITA: Bagyong Betty, ibinaba na sa ‘typhoon’ category