Pinayuhan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng senior citizens na hindi pa nakakakuha ng kanilang monthly monetary allowance mula sa city government sa ginawang distribusyon ng mga barangay, na magtungo sa city hall upang makuha ang kanilang benepisyo.

Ayon kay Lacuna, base sa ulat ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), may maliit na porsyento ng mga senior citizens sa Maynila ang 'di pa nakakakuha ng kanilang  allowances.

Ani Lacuna, hanggang noong Mayo 26, 2023, nasa 95% ng senior citizens mula District 1 ang nakakuha na ng kanilang allowances; nasa 96% naman sa District 2; 93% sa District 3; 95% sa District 4; 96% sa District 5 at 93% District 6.

Nabatid na sakop nito ang buwan ng Enero hanggang Abril 2023 para sa kabuuang P2,000 bawat isa o P500 kada buwan.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Pinasalamatan naman ni Lacuna ang mga opisyal at staff ng OSCA, public employment service office (PESO), Manila City  Library at Manila Barangay Bureau pati na  barangay officials, sa pagtulong para sa mabilis at maayos na  distribusyon ng mga allowances.

Ayon sa lady mayor, kapuna-puna na sa tuwing mayroong regular na ‘Kalinga sa Maynila,’ isang forum na nagdadala ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaang lungsod ng direkta sa mga barangay, ang allowances ng mga senior citizens’ ay palagi na lamang isyu.

“Lahat sila [senior citizens] ngayon, nakangiti…masaya po ang ating mga senior citizens, masaya din po kami para sa inyo.  Sana ay magamit ninyo ang allowance pambili ng mga pangangailangn ninyo gaya ng maintenance medicines,” sabi ni Lacuna.

Sa kasalukuyan, may 180,000 senior citizens sa Maynila ang nakatanggap na ng kanilang monthly allowance bilang bahagi ng social amelioration program mg lokal na pamahalaan, na ginawa ng Manila City Council noong pandemya.

Pinangunahan ni Lacuna ang council noong panahong iyon, sa kanyang kapasidad bilang council Presiding Officer at bilang bahagi ng kanyang pagiging Vice Mayor ng Maynila.